Monday, February 27, 2012

Pagsasalaysay Galing sa Muntik'ang Nabasurang Papel


Sino ka...
kapag inumpisahan na
ang pahinang

mayamaya'y tigok na.



Taong 1992 nang naisulat ko ang tulang "Ambon" sa isang sobrang mga papel na pinagtabasan galing sa ginagamit nilang imprentahan sa Victoria printing press, sa Guam. Dapat sana'y itatapon na ang mga papel na ito pero di sila nagtagumpay sa pagpigil sa akin na maiuwi ang mga ibang basurang papel.

"Hayan ka na naman sa mga basura mo!"
sabi ng nanay ko na isang announcer sa radyo sa Guam sa mga taong yun.

Basura na naman daw. Hah, natawa sya sa kanyang binigkas. Bandang 1975 - 77 noon. Dahil walang tagapag-alaga sa amin ng kuya ko tuwing pagsapit ng hapon, pagkatapos sa iskuwela, dinadala kami ng nanay ko sa kanyang trabaho sa istasyon ng radyo. Namulat kaming dalawa at natuto sa mga salita ng Beatles, Apo, Bread at iba pa. Sa katunayan, isang araw ay pinaikot ng nanay namin ang buong LP na Sgt Peppers para lang mai-record naming dalawa magkapatid sa radyo ito – (uulitin ko, buong LP) at ipinagbabawal po sa istasyon ang patugtugin ang buong album nang walang pahintulot. Wala kaming ginawang dalawang magkapatid sa loob ng istasyon ng DZMQ kundi makinig sa musika ng dekadang yun, gumuhit, at magbasa ng mga pilipino komiks. Isa rin sa aking kinahiligan ay ang mag-gunting at mag-ipon ng mga sulat sa dyaryo tungkol sa mga cartoons at komiks. Hindi gaano bumibili ang aming mga magulang ng mga dyaryo kaya't tiba-tiba ako sa DZMQ noon, marami sila doon dahil, bukod sa telegrama, kailangan nila ng mga dyaryo para sa mga balita at paguulat.

Isang hapon, di kami dinala ng nanay namin sa radyo. Noong mga taon na yun, mas malaya pang maglaro ang mga bata sa labas nang walang gaanong pumapasok na pagalala sa isipan ng mga magulang dahil alam nilang walang mangyayaring masama sa kani-kanilang mga anak. Masarap makipagsapalaran sa mga paligidligid kung saan-saan, sa mga puno't damuhan man o sa aspaltong daan kasama ang ibang mga bata. Kay tamis maka-diskubri ng mga bagong bagay at bumuo ng karanasan para sa unti-unting pag-ukit ng katauhan ng murang isipan. Minsan tumbang-preso, minsan taguan, minsan nama'y manghuhuli kami ng mga tutubi pagkatapos ng ambon. (kawawang tutubi, aming pinupunitan ng pakpak). Subalit ewan ko ba kung bakit palagi akong napapadpad sa basurahan noon.

Ang pagsalo
sa kalungkutan ng iba'y
'di mo ba alam,
kikislap ang kinang ng
talaytay ng dugong 'di dapat
sa iyo.


Medyo meron pang kaunting usok yung napulot kong dyaryong nasama sa sinunog sa tambak na basurahan. Maraming mga magasin pero mga sports yun. Hindi talaga ako nahilig sa palakasan. Muntikan pa nga akong ibinagsak ng guro ko sa PE dahil namaga ang aking mukha noong sumapol ang hindi ko nasalong sopbol na kanyang hinagis sa akin. Mayroong sulat tungkol sa palabas na Gerald McBoing dun sa umuusok na dyaryong hawak ko. Tuwang tuwa ako sa aking napulot –– pero biglaan namang humapdi sa init ng kirot ang aking kaliwang tenga. "Hayan ka na naman sa mga basura mo!" sabay pingot ng aking nanay.

Ang muntikan nang mabasurang papel na aking ginamit para mailathala ang tulang Ambon ay nagsisilbing palaala ko sa 'king sarili na hindi lang pala pinipitas na parang prutas sa puno ang imahinasyon, kundi pinupulot din ito kapag bumagsak na sa lupa kahit malapit nang uurin.

Ngayong halos dalawampung taon na ang nakaraan noong naisulat ko't naiguhit ang mga larawan, aki'y ipinasyang ipamahagi ito sa madla. Pwede nyo pong basahin ito at sana po'y inyong magustuhan.